Ang Bato
Tapakan ng tao, sa gitna ng daan;
Kung matisad mo’y iila-ilandang
Ngunit pagkatapos, pag ika’y namatay,
Bato ang tatapak sa bangkay mo naman
Batong tuntungan mo sa pagkadakila,
Batong tungtungan ko sa pamamayapa;
Talagang ganito sa lapad ng lupa
Ay hali-halili lamang ang kawawa
Balot ng putik, marumi’t maitim
Tinapyas at, aba! Brilyanteng maningning!
Sa putik din pala ay may bituin din
Na hinahangaan ng matang titingin
Maralitang tao’y batong itinatapon,
Sa lusak ng palad ay palabuy-laboy;
Nag-aral at, aba! Noong makaahon,
Sa mahirap pala nar’on ang marunong
Ang batong malaki’y kay daling mabungkal,
Ang batong brilyante’y hirap matagpuan,
Ubod laking tipak, mura nang matimbang.
Ga-mata ng isda’y pagkamahal-mahal
Talagang ganito, madalas mamalas
Sa alimasag man ang malaki’y payat;
May malaking kahoy sy sukal sa gubat,
May mumunting damo, ang ugat ay lunas
Ang bato sa ilog, ayun! Tingnan mo ba!
Batong nasa agos, makinis, maganda,
Batong nasa gilid, bahay ng talaba,
Sadlakan ng dumi at nilulumot pa
O, batas ng buhay! Ang ayaw kumilos,
Habang tumatanda’y lalong nilulumot.
Kapag agos ng palad, ang takot sa agos.
Malayong matutong lumangoy sa ilog
Tatlong tungkong bato, nagtutuwang-tuwang
Nang makaluto ka ng kanin sa kalan
Mapurol mang gulok at kampit na batingaw,
Mapapatalim din ng batong hasaan
Sa tao, ang bato, aklat ang kagaya,
Ang talim ng isip, tabak ang kapara;
Hasa ka nang hasang sumulat-bumasa,
Bukas-makalawa’y magiging pantas ka
Kapag, nagkapingki bato mang malamig,
May talsk na apoy na sumasagitsit;
Ang noo ng tao, kapag nagkiskis,
Apoy ng katwiran ang tumitilamsik!
Taong nilulunod na bato ang pataw,
Kung taong masama’y di na lumulutang,
Ngunit kung dakila’y pumapaibabaw
Bato ang sabsaban na duyan niCristo
Bato ang lapida sa hukay ng tao
Itong mundo pala’y isang dakot na bato
(photos by mingming)




